Monday, September 13, 2004

Pambie Herrerra in Filipino

PARA SA'YO NA MINSA'Y NAKASAMA KO SA AKING MALAYO-LAYO NA RING PAGLALAKBAY

sanay na ako sa iyong paglayo:
sa iyong malalayang hakbang
tungo sa kahit saan
basta wala ako o ang aking anino

sa mga kalsadang makikipot
upang hindi kita masabayan
sa iyong paglalakad

malayo-layo na rin ang iyong natahak
malayo-layo na para maabot
pa nang aking mga tanaw

minarapat kong hindi na lang sumunod
marahil nga, naakit na akong magpahinga
sa pampang nang umaalimbukay na ilog
o dili kaya'y bumalik na lamang
sa laot ng aking pag-iisa

binagtas ko ang daan pabalik
hindi dahil sa ako'y napagod
o nagsawa sa pagtugis
sa bulong ng iyong maiilap na yabag

kundi masakit ang makita kang malayo
kahit na isang dipang balikat lamang
ang sa atin ay nakapagitan

iyong pakatandaan:
ibig kong baunin mo paalis
ang apoy ng aking sulo
ang samu't saring liwanag
na nilagom ng aking mga mata
itong tungkod sa aking palad
hinga ng aking kaluluwa
na kaakibat ang lahat
pati luha ng aking salita

upang sa iyong pag-iisa
sasalamin sa iyong mga labi
mga ngiti at luha sa paggunita
noong tayo'y minsan ay nagkasama

subalit,iisa lamang ang aking pakiusap
huwag mo na akong pakaisipin pa
ipaubaya mo na ako sa ulan
sa araw... sa hangin... sa tala.

tangan nila, ako'y magpapahingalay
habang iniipon ko ang lakas
para sa bagwis ng aking naghihingalong paa

isang paghahanda:
sakali mang ika'y muling

bumalik pa.

-pambie herrera, setyembre 8, 2004

1 comment:

sedef said...


ablasını siken genç amından kan getirme faketaxi porno mobil android uyumlu apk adult hikaye