Sunday, August 29, 2004

Paul Muego's Sharing in Payatas

Ang pag-ibig ng Dios ay di nagmamaliw

“I Love You?”
Ang pag-ibig ng Dios ay di nagmamaliw. Pero, ano nga ba ang pag-ibig ng Dios? O di kaya’y mayroon bang pag-ibig ang Dios? Kailan ba natin sinasabing iniibig tayo ng isang tao o iniibig natin siya? Ano ba yung mga sukatan natin? Katatapos lang ng araw ng mga puso. Sabi kahapon sa radio, magdaragdag ng mga pulis at mga tauhan ng MMDA sa daan kahapon para matugunan ang pagdagsa ng mga sasakyan lalu na sa mga lugar na kung saan may mga motel o mga inn o doon sa mga may sabay liko! Pati nga sa may Laong-Laan kung saan ang mga bulaklak galing Baguio ay ibinabagsak ay punung-puno ng mga tao! Lahat bumibili ng bulaklak para sa mga mahal sa buhay. Tapos sasabihin ng binata (at sana nga tunay na binata!) sa kaniyang sinta, “I love you” sabay abot sa bulaklak. Pero eto nga lang ba ang sukatan ng pag-ibig? Gano kaya katagal ang pag-ibig na sinasambit nila? Isang taon? Ilang buwan? O maswerte na kapag umabot ng ilang linggo? Kaya nga andaming mga unwed mothers o mga single parents dahil ang pag-ibig ng kanilang mga kasintahan ay nagmamaliw! Ngayong umaga pagninilayan natin ang pag-ibig ng Dios sa atin. Titignan natin kung paanong ang pag-ibig ng Dios sa atin ay di nagmamaliw sa pag-inog ng mundo, sa paglipas ng panahon.

Manalangin tayo.

Aming mapagmahal at maibiging Ama, ang pag-ibig sa mundong ito ay di gaanong tumatagal – napapagod, nawalan ng init at sigla, depende sa panahon o sa mood, depende sa maraming bagay na nakapalibot sa amin. Kadalasan O Ama na ang aming pag-ibig ay hindi tunay at ganap, na ang ito’y aming sinasambit lamang dahil na rin sa aming mga sariling interes. Maraming pagkakataon na binigo namin ang iyong atas na ibigin ang aming mga kapatid, lalo na ang mga maralita at kapus-palad. Ngunit sa kabila ng aming mga pagkadapa, ng aming mga pagtalikod sa iyong atas at halimbawa, patuloy mo kaming iniibig. Gabayan mo kami ngayong umaga O Dios upang makatagpo ka namin sa bawat isa sa amin na narito. Ipinapanalangin din namin Panginoon ang aming mga mahal sa buhay na sa oras na ito ay di namin kapiling. Ikaw din po ang gumabay sa kanila sa umagang ito at sa araw na ito. Tanggalin mo po Panginoon ang lahat ng makahahadlang sa aming pagsamba ngayong umaga at sa pagbabahaginan namin ng iyong mensahe. Ito ang aming dalangin sa pangalan ng iyong Anak na si Hesus. Amen.

Puno ng Pag-ibig ang Buhay!
Noong isang linggo ay nagpunta kami sa Sitio Banawen, Brgy. Maloma, San Felipe, Zambales. Pagabi na noong kami ay nakarating sa bario. May mga 3 oras din siguro yung nilakad namin sa isang halos tuyong ilog. Napakainit ng panahon at napakahirap lumakad dahil nga sa ang lahar ay tuyung-tuyo. Naglakad kami habang sa paligid namin nakikita namin na pati ang mga baka ay nakasilong. Bahagya din kaming nagpahinga sa daan dahil sa sobrang init. Habang naglalakad kami at sa mga panahon ng pahinga kami ay nagkukwentuhan at pinagbabalik-tanawan ang pakikipaglakbaay ng KKFI sa mga kapatid nating Ayta sa Banawen. Marahil kung ito’y isang gawain lang namin, matagal na naming iniwan ang mga Ayta. Ngunit pabalik-balik kami bilang mga hamak na instrumento ng ating Panginoon upang magpadama sa kanila na hindi sila nag-iisa (at upang madama din namin na hindi kami nagiisa)… na may mga magkakasamang nagsusulong ng isang kaunlarang dapat pinagsasaluhan ng lahat at di lang ng iilan.
Pagsapit ng gabi ay dumaan sa aming tinutuluyang bahay si Tatay Willy. Habang kami’y nakapa-ikot sa apoy at umiinom ng maiinit na kape ay nagpalitan kami ng mga balita at mga kwento tungkol sa buhay-buhay. Panay ang biro ni Tatay Willy kung kayat lahat kami’y tawanan ng tawanan. Sa gitna ng aming pagtatawanan, sabi ni Tatay Willy, “Masaya ang buhay...” Uulitin niya ito ng may karugtong, “Mahirap ang buhay gaya kung minsan na walang makain… pero masaya pa rin.” Sa loob-loob ko, “Ang lalim naman ni Tatay. Parang isang pilosopo.” Ngunit sa totoo lang hindi ba ang buhay ng mga kapatid nating Ayta sa Banawen pagkatapos ng pagputok ng bulkan ng Pinatubo ay isang patunay na ang pag-ibig ng Dios ay di nagmamaliw? Kinaumagahan habang nakasakay kami sa kariton na hila-hila ng kalabaw ni Tatay Willy sabi niya, “Ang aking buhay ay puno ng pag-ibig. Walang saysay ang buhay kapag wala itong pag-ibig.” Ano ba ang ibig mong sabihin Tatay Willy? Hindi nga ba ang patuloy ninyong pamumuhay sa Banawen, ang pagtubo at pamumunga ng inyong mga pananim na mga mangga, kasuy, at mga saging, ang pagsilang ng limang sanggol sa inyong komunidad… hindi ba ang mga ito’y mga himala na nagpapadama ng pag-ibig ng Dios?

Ang mga himala’y tanda ng buhay. Ang mga himala ni Hesus ay tanda ng buhay – buong buhay: pisikal at spiritwal; at tanda din ng di nagmamaliw na pag-ibig ng Dios sa atin.

Ang Habag ni Hesus
Patuloy na ipinapahayag ni Hesus ang Magandang Balita (Lukas 4:16-21) sa mga Sinagoga (mga simbahan) kung saan ang mga taga-Galilea ay nagtitipon upang makinig sa pagbasa ng banal na kasulatan at upang manalangin.

Ang taong may ketong ay itinatabuy ng lipunan. Sila’y itinuturing na mga makasalan. Ang kaniyang karamdaman ay kinakatakutan at sila’y kinamumuhian. Naalala ko tuloy yung inteview sa TV sa mga kamag-anak ni Adela Catalon. “Iniiwasan kami ng mga tao. Parang lahat kami may SARS,” ang malungkot niyang wika. Mahirap nga yung tayo’y iniiwasan ng mga tao sapagkat sa kanilang paningin tayo’y marurumi at makasalanan. Ang lalaking may ketong sa kwento ay hindi lamang nakraramdam ng pisikal na sakit. Ngunit ang mas matinding sakit ay dulot ng hagupit sa kaniyang pagkatao ng siya’y itinaboy ng dati niyang mga kasama.

Sa aklat ng Levitiko, ang mga may skin diseases (ke galis yan, o rashes, o simpleng alergy, o di kaya’y ketong) ay kailangang kumunsulta at magpatingin sa mga pari. (Lev. 13:1-2) Hindi upang gamutin sila ng mga pari ngunit para sila’y matatakan: malinis o marumi! Parang kapag pumapasok tayo sa bilangguan para dumalaw o di kaya’y sasalubong sa mga kamag-anak sa airport -- may tatak sa braso para maihiwalay tayo sa iba o para may palatandaang nagsasabi kung sino tayo!

Kung sakaling may ketong ang isang tao, siya’y sapilitang patitirahin sa labas ng siyudad (ang mga bayan nila noon ay may mga matataas na bakod). Hindi lang ito. Sila din ay kailangang sumigaw ng ganito: Marumi! Marumi! Ito’y kailangan nilang gawin upang hindi sila lapitan ng mga tao. (Lev. 13:45-46)

Naalala ko tuloy ang maraming maralita ng lunsod na patuloy na itinataboy dahil hindi daw sila kaaya-ayang tignan. Kagaya na lang noong dumating si President Bush, maraming mga komunidad ng mga maralitang taga-lunsod ang binakuran para hindi sila makita. Sa ganitong sitwasyon paano natin sasagutin o ano ang isasagot natin kapag tinanong tayo ni Mang Juan o Aling Maria na mga urban poor o yung lalaking may ketong sa kwento: “Nasaan ang di nagmamaliw na pag-ibig ng Dios?”

Ang lalaking lumapit kay Hesus ng may pagtitiwala ay may ketong: “kung ibig po ninyo’y mapagagaling ninyo ako” (Mk 1:40). Sa verse 41 makikita nating “nahabag si Hesus.” Ang ibig sabihin ng salitang “pagkahabag” ay hindi lang isang simpleng awa ngunit isang malalim na pagtanggap at pagdama sa sitwasyon ng kahirapan ng ketongin. Jesus made the man’s suffering his own. Sa isang iglap naki-integrate si Hesus sa kalagayan ng lalaking may ketong. Sa UP, sa CSWCD, sinasabing “we have to integrate with the poor until such time that their life is aslo our life, their experiences are also our experiences, and their dreams are also our dreams.” Kailangang ang mga manggagawa sa pagpapaunlad ng pamayanan ay maging kaisa ng mga maralita.

Hindi iniwasan ni Hesus ang lalaking may ketong. Sa verse 41 makikita natin si Hesus: “hinipo siya, sabay ang wika, ‘Ibig ko. Gumaling ka!” Sa kaniyang paghipo sa lalaking may ketong, isinapanganib ni Hesus ang kaniyang sariling kalusugan; hindi siya gumawa ng anumang pag-iingat. Naalala ko tuloy yung mga naririnig kong mga kwento tungkol sa mga pulitiko kapag panahon ng pangangampanya. Pagkatapos daw makipagkamayan sa mga tao ay nagbubuhos ng alcohol sa mga kamay upang matangal ang anumang bakas ng maruruming mga taong kanilang kinamayan. Gaano katotoo ito? Ewan ko. Magmasid-masid tayo ngayon dahil tiyak maraming mga pulitiko ang pupunta sa ating lugar.

Ang ginawa ni Hesus ay isang napakagandang huwaran para sa ating nagsasabing mga Kristyano o followers of Christ. Danasin at damhin natin ang kalungkutan, pighati, hapdi at kirot ng puso, katawan at isipan, ang mga sama ng loob ng ibang tao; ginagawa natin silang mga kapit-bahay natin, mga kamag-anak, mga taong malapit sa atin. Ngunit getting close to people, ang paglapit sa mga tao ay maaaring magdulot ng mga problema at kahirapan sa panig natin kung kayat we prefer loving without costs, without risks for ourselves and our own people. Mas gugustuhin natin ang magmahal na hindi natin maisasapanganib ang ating sarili o yung kapakanan natin.

Kaya nga’t enjoy na enjoy ako sa mga kwento ng mga pastor o mga pari na nasa mission areas. Kagaya nung isang kapartner ng KKFI diyan sa Montalban, si Pastor Larry. Mahirap ang kanilang simbahan. Pagpapaayos nga lang ng pinto ng kanilang kapilya ay talagang madugo! Mga pamasahe na nga lang e hirap na ang pastor. Pero patuloy pa rin siyang naglilinkod sa mga taga-Montalban – tumutlong sa mga livelihood programs para sa mga tao, nakikinig sa kanilang mga problema at sama ng loob. Ang mga problema ng mga tago-komunidad ay tunay na nadarama ni Pastor Larry kaya problema na rin niya ang mga ito. At siyempre ang kanilang pangarap ng isang maunlad na buhay ay kaniya na ring pangarap. Di pa ba ito isang patunay na ang pag-ibig ng Dios ay di nagmamaliw?

Ang Masa Mission Center ay nasa ikalawang taon na dito sa Payatas. Ngayon magkakaroon na ng Day Care Center dito. Siguro, ni minsan hindi sumagi sa isipan ng mga kasamahan natin dito na minsan isang araw ay magkakaroon ng ganitong pagtitipon para sa pormal na opening at dedikasyon ng isang day care center sa mismo nilang pamayanan. Ang pag-ibig ng Dios ay di nagmamaliw!


Uliranin si Kristo
Ipinagkaloob ni Hesus ang kahilingan ng may ketong: “Ibig ko . Gumaling ka!” Sa mas malalim na pagsusuri, hindi lang ang ketong ang pinagaling niya. Ayaw ni Hesus na may mga taong itinatakwil ng lipunan. Ayaw ni Hesus, at hindi nararapat sa dangal ng tao bilang mga anak ng Dios na wala silang mga kapwa, tahanan, pamayanan at mga kaibigan. Sa pagpapagaling sa karamdaman nung lalaki siya ay muling isinama sa lipunan. Ang itsa-pwera ngayon ay kasama na! Ang ibinukod ng lipunan ngayon ay kabuklod na ng mamamayan! Ang pagmamahal ng Diyos ay tunay na di nagmamaliw!

Ngunit kung tayo ay nagdiriwang mayroon ding mga taong nagngingit-ngit o nagpuputok ang butsi dahil sa takbo ng mga pangyayari. Ang ginawa ni Hesus ay labag sa batas. Hinipo niya ang isang maruming tao! Ngunit namnamin natin na ang paghipo ni Hesus sa lalaking may ketong ay isang pagpapahayag ng isang malalim na mensahe – ang pag-ibig sa mga hinahamak, kinamumuhian, kinasusuklaman, mga itinataboy ng lipunan!

Ang ating pagtangging ibukas ang ating mga puso sa iba, ang ating pag-abot ng ating mga kamay sa kanila, sa mga mahihirap at sa mga itinatakwil ng lipunan ay isang iskandalo. Ang pagpapatotoo o pagpapatunay lamang ng pag-ibig at kagandahang-loob ang tanging makakaabot sa mga taong ipinapalagay nila ang kanilang sarili at loob na malayo sa Dios (1 Cor. 10:32).

Ang kwento ng Masa Mission ay isang pagpapatotoo o pagpapatunay sa di-nagmamaliw na pag-ibig ng Dios. Ang kwento sa likod ng pagtatatag ng isang day care center dito sa pamayanan ay isang pagpapatotoo sa di-nagmamaliw na pag-ibig ng Dios. Ang patuloy nating pakikiisa sa panig ng maralita ay isang pagpapatotoo sa di-nagmamaliw na pag-ibig ng Dios.

Noong bumibyahe kami patungong Zambales huminto yung bus na aming sinasakyan bandang San Narciso. Sabi nung konduktor na nagkataong nasa tapat ko: “Iihi lang sandali yung driver?” Narinig yun nung isang matandang pasahero. Papunta ng Iba si lolo upang lakarin ang ilang mga papeles dahil may mga dala-dala siyang mga brown envelope. Malayo pa ang Iba kaya gusto rin niyang bumaba para umihi. Ngunit siya ay nagaalinlangan dahil baka siya’y maiwan. Ilang segundo pa ang lumipas at siya’y nakapagpasiya. Bumaba siya at umihi sa ilalim ng isang puno. Nasa kalagitnaan pa lang siya ng kaniyang pag-ihi nung umakyat na ang driver at paaandarin na ang sasakyan. Hindi naman siya makasigaw dahil nasa may kalayuan siya at mahirap din namang putulin niya ang kaniyang pag-ihi! Aandar na ang sasakyan! Nagsalita yung matandang nakasakay, “Umiihi pa yung isang matanda. Hintayin natin.” Sa isang iglap naramdaman nung isang matanda ang nararamdaman nung matandang umiihi, yung takot na baka siya maiwanan. Isipin na lang natin kung ano ang nangyari kung hindi umimik yung isang matanda!

BAGONG LANGIT AT BAGONG LUPA (Basahin ang Isaiah 65:17-25)
Ang pagmamahal ng Dios ay di nagmamaliw. Ang pagmamahal ng Diyos ay patuloy na bumubuhos sa ating lahat dahil mayroon pa ring mga taong nais ipagkaloob ang kanilang mga sarili, lumabas sa kanilang mga komportableng lugar, at makibahagi sa pakikibaka ng mga maralita.

Hinahamon tayong palakisin ang bigkis ng ating pakikiisa sa mga maliliit nating kapatid kay Kristo upang tahakin ang isang alternatibong paraan ng pag-unlad na kung saan ang lahat ay sama-samang magsasalo sa mga bunga ng di-nagmamaliw na pag-ibig ng Dios, ang kaganapan ng isang BAGONG LANGIT AT BAGONG LUPA DITO SA PAYATAS!

Ibinahagi ko sa blessing ng Day Care Center sa Masa Mission Church ng Puno United Methodist Church. Sabi ng isang nanay, sana sa malaking simbahan ito maibahagi para marinig ng mga tao doon.

No comments: